"Para kanino ka bumabangon?" Yan. Araw-araw ko din yang naririnig sa patalastas. Araw-araw ko ring iniisip, aba, para kanino nga ba ako bumabangon? Para sa masarap na amoy ng isang tasa ng Nescafe na siyang dahilan kung bakit may patalastas na ganon? O baka naman bumabangon lang ako dahil kailangan ko. Kailangan kong pumasok, at makipaglaban sa antok, pagod, trapik, pagkairita at marami pang iba. Para kanino nga ba ako bumabangon, tanong ko sa sarili ko. Ah alam ko na, bumabangon ako araw-araw, gaano man kahirap dahil may pinaninindigan akong mga salita. Mga salitang hindi ko alam kung dapat nga bang maging dahilan ng pagbangon ko araw-araw o maari din namang maging rason upang hindi ko na gustuhin pang bumangon kailanman at pangarapin ko na hindi na ako sikatan pa ng araw. Mga salitang, "mahal kita". Tandang-tanda ko pa noong sinabi mo sa akin, "mahal kita". Naaalala ko pa ang magkahalong saya at pangamba sa mga salitang binitawan mo. At oo, tawagin mo na akong baliw, pero mula noong araw na sinabi mo yang mga salita na yan, tila ba'y iyon lamang ang mga kilala kong pantig. Mahal kita, mahal kita, mahal kita. Siya lamang tinitibok ng aking puso. Mahal kita, daig pa nito ang pagtilaok ng manok dahil mula noong sinabi mo yan sa akin, wala na akong hinahangad pa kundi sumikat ang araw at sana'y di na ito lumubog pa. Mahal kita, pinanghahawakan ko to. Mahal kita, ikaw lang ang rason kung bakit ako bumabangon. Mahal kita.... pasensya ka na pero itigil na natin ito kasi mahal kita. Para bang gumuho ang aking mundo, nabuwal ang mga ugat ko. Hindi ko maintindihan. Mahal mo ako? Pero bakit hahayaan mo na lamang na maudlot ang saya na dulot ng ating pagmamahalan? Dumating na nga ang kinakatakutan ko. Hindi na ako nagaabang pa na tumilaok ang manok, hindi ko na kaya pang makita ang sarili ko ng ganito. Ayaw ko ng makarinig ng kahit ano pang salitang may "mahal kita". Ayaw ko ng mabuhay pa. Pinagmasdan ko ang katawan ko, mula ulo hanggang paa. Ako pa nga ba ito? Binago mo ako mula ng sinabi mong mahal mo ko. Ngunit ng binawi mo ang tamis ng mga salitang dati'y tila Lupang Hinirang na tuwing maririnig ko ay napapahawak ako sa aking dibdib dahil oo, mahal din kita at oo hindi ko kayang mawala ka. Ngunit ano ang aking magagawa kung sa ating dalawa ay nauna kang bumitaw. Makaraan ang ilang buwan, para bang sinapok ako ng realidad. Nanumbalik lahat ng sakit na nadama ko, pero nakaya ko lahat. Alam mo kung bakit? Nalaman ko na kasi ang tunay na sagot sa tanong na "Para kanino ka bumabangon?" Para doon sa makapangyarihang gumawa ng langit at lupa. Para sa Kanya na namatay dahil mahal Niya tayo. Mahal Niya ako. At natuto tayong magmahal dahil nauna niya tayong minahal. Siya yung kapitan ko man ay hindi kailanman ako bibitawan o susukuan. Siya yung pinanghuhugutan ko ng lakas. Siya ang Panginoong Dyos. Mahal niya ako, ikaw, mahal niya tayong lahat.
Eh Ikaw, para kanino ka bumabangon?
No comments:
Post a Comment